290
Bong Go pabor sa pagbuhay sa death penalty
By

Bong Go pabor sa pagbuhay sa death penalty

Kinondena ni dating Special Assistant to the President at senatorial candidate Christopher Lawrence “Bong” Go ang brutal na pagpatay sa Grade 9 student na si Christine Lee Silawan sa Cebu City.

Sinabi ni Go na dapat lamang na ibalik ang parusang kamatayan para matigil ang mga karumal-dumal na pagpatay sa bansa.

Ang nangyari aniya kay Silawan ay dapat maging hudyat na para ibalik ang parusang bitay sa bansa.

“Naniniwala akong epektibong deterrent ang death penalty laban sa mga karumal-dumal na krimen, katulad ng walang awa at mala-demonyong paggahasa, pagpatay at pagbalat pa sa mukha ni Christine Lee Silawan ng Cebu,” ani Go.

Nanawagan ang dating kalihim sa Philippine National Police para agarang maresolba ang krimen at mabigyan ng hustisya ang biktima.

“Nanawagan ako sa ating kapulisan para sa agarang pagresolba ng kasong ito at pagbigay ng hustisya sa biktima at kanyang naulilang pamilya,” dagdag pa ni Go.

Bagama’t malamig ang mayorya ng mga mambabatas sa panawagang ibalik ang death penalty, sinabi ni Go na suportado niya ang iilang senador at kongresista na gustong buhayin muli ang death penalty para sa mga kasong may kinalaman sa iligal na droga gaya ng rape, murder at iba pa.

“100% na pabor akong patawan ng parusang kamatayan ang mga kriminal na mapatunayang gumawa ng mga heinous crimes lalo na kung involving illegal drugs. Kabilang na diyan ang rape at murder na kinasangkutan ng taong lulong sa iligal na droga,” wika pa ni Go.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?