168
boarding-house
By

Boarding house, nilimas ng bff

Kulong ang isang lalaki matapos limasin ang mga personal na gamit ng apat na mga kaibigan sa loob ng tinitirahang boarding house sa Barangay Concepcion Dos, Marikina City, kamakalawa ng madaling araw.

Nakilala ang suspek na kapitbahay at kaibigan ng mga biktima si Julius Michael Medillo y Pama, nasa hustong gulang at residente ng Marikina City matapos madakip ng follow up police makaraang makita sa CCTV na siya ang nanloob sa boarding house sa Russet St., SSS Village, sakop ng Barangay Concepcion Dos.

Batay sa report, nagsampa ng reklamo ang mga biktima na sina Joanne Karen Sanosa, Jessica De Quiroz, Franklin Leaño at Reymark Gabriel, pawang mga nasa hustong gulang, makaraang makita na nawawala ang kanilang mga personal na gamit sa loob ng kuwarto nang umuwi bandang alas 4:00 ng madaling araw na bukas na ang kanilang bintana.

Nahuli ang suspek nang suriin ang nakakabit na CCTV sa labas ng bahay at nakita ang suspek na umakyat sa bintana bandang alas 3:00 ng madaling araw at lumabas na may bitbit nang bag.

Hindi inakala ng mga biktima na pagnanakawan sila ng suspek dahil maayos na nakipagkaibigan ito sa kanila.

Nakuha at hindi na naibalik pa ang mga gamit ng mga biktima dalawang Cherry Mobile phone, isang iPhone, dalawang Nike Shoes, tatlong scrub suit at ang back pack bag na may lamang P4,500 cash at 600.00 Riyal.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Marikina detention cell at inihahanda ang kasong theft laban dito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?