69

May 29, 2019 @ 20:45
By

Blue Ribbon hindi ipamimigay ni Gordon

Tumanggi si Senador Richard Gordon na makipagpalitan ng komite kay Senadora Grace Poe partikular na ang chairmanship ng Senate blue ribbon committee.

“Ang sabi niya [Poe] kung papayag akong makipagpalitan sa public services, gusto niyang makuha ‘yan pero wala naman akong sinasabi na ibibigay ko e. Sinabi ko na sa meeting namin na I’ll stay,” ani Gordon sa isang panayam.

Aminado man siya na gusto niya ring pamunuan ang public services na ipapalit ni Poe, ipinunto ni Gordon na marami pa siyang trabaho na gagawin sa Blue Ribbon, na dapat ay hawakan ng pamilyar na rito.

“Why should I give it up? Ang laki na ng trabaho ko diyan, ang dami ko nang ginagawa pa, na iniimbestiga,” dagdag pa niya.

Maliban sa Blue Ribbon, si Gordon din ang chairman ng committees on justice at government corporations and public enterprises.

Matatandaang nagpahayag si Poe ng kahandaang pamunuan ang blue ribbon panel kung ibibigay aniya ito ni Gordon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?