100

By

Binata timbog sa P660K shabu sa Laguna

Arestado ang isang tulak ng iligal na droga habang aabot sa P660,000 halaga ng shabu ang nasamsam sa kanya matapos ang isinagawang buy-bust operation ng pulisya, Biyernes ng hapon sa Calauan, Laguna.

Kinilala ni Police Col. Eleazar Matta, Laguna Police Provincial Director, ang nadakip na suspek na si Joel Malipol, 38, binata, at residente ng Barangay San Felix, Sto. Tomas, Batangas.

Sa ulat ng Calauan Municipal Police Station (MPS), isang buy-bust operation ang isinagawa ng Calauan MPD Drug Enforcement Team laban sa suspek dakong alas-4:40 ng hapon sa Sitio Tamlong, Barangay Limao ng nabatid na bayan.

Isang police poseur buyer ang umiskor ng halagang P2,500 na shabu sa suspek na dumating lulan ng kanyang kulat pulang Mitsubishi Pajero na may plakang DNF 848.

Matapos magkapalitan ng shabu at marked money ay agad na isinenyas ng poseur buyer ang pag-aresto sa suspek na hindi na nakuha pang makapalag.

Nakuha sa loob ng sasakyan ng suspek ang 28 sachet ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P660,000, gayundin ang buy-bust money at mahigit anim na libong pisong pera na pinaniniwalaang benta ng suspek sa kanyang iligal na gawain.

Sa ngayon ay nakakulong ang suspek sa Calauan MPS habang inihahanda ang kaukulang kaso laban dito gayundin ang mga nakumpiskang iligal na droga para sa tamang desposisyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?