194

By

Binata natuluyan sa ika-3 suicide

Natuluyan na sa ikatlong tangkang pagpapatiwakal ang 27-anyos na binata nang matagpuan itong wala nang buhay at nakabigti sa loob ng banyo ng kanilang bahay sa Quezon City.

Kinilala ang biktima na si Jame Larioza Concepcion, 27, walang trabaho.

Natagpuan siyang nakabigti gamit ang cable wire sa loob ng banyo ng kanilang bahay sa West Riverside St., Brgy. Del Monte, QC.

Sa pahayag ng pinsan ng biktima na si Rodalyn sa imbestigador na si PO3 Jerome Dollente, alas-12:30 ng tanghali ng Abril 23 ay gagamit sana siya ng banyo subalit pagbukas niya ng pinto ay bumungad sa kaniya ang nakabigting si Concepcion.

Dahil sa takot tinawag ni Rodalyn ang kaniyang tiyahin na si Corazon at pinagtulungan nilang ibaba ang nakabigting pinsan subalit nang kanilang pulsuhan ay hindi na ito humihinga pa.

Agad silang humingi ng tulong sa kanilang barangay na siyang nag-report sa pulisya.

Tumanggi namang paimbestigahan pa ng ama ng biktima na si Luis ang ginawang pagpapakamatay ng anak dahil kumbinsido siyang sinadya na nitong wakasan ang kaniyang buhay subalit hindi na nito idinetalye ang dahilan.

Nabatid na dalawang beses nang tinangkang magpakamatay ng biktima, una ay ang pagbibigti at sinundan ng pagtalon sa ilog noong taong 2018 subalit naagapan lamang ito at itong ikatlo ay natuluyan na ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?