321

By

Binata nagbigti ng sintas ng sapatos

Winakasan ng 23-anyos na binata ang kaniyang buhay sa pamamagitan ng pagsasakal sa sarili gamit ang sintas ng kaniyang sapatos sa loob ng banyo ng kanilang tahanan sa Quezon City, nitong Lunes ng hapon.

Kinilala ni P/Lt. Roldan Dapat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District ang biktima na si Gerald Sumigin Hammerslo, 23, binata, construction worker at residente ng Visayas Ave., Brgy. Culiat, QC.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, alas-tres ng hapon ng Mayo 6 nang matagpuan ang biktima ng kaniyang kapatid na si George Hammerslo sa loob ng banyo ng kanilang tahanan na nakabigti.

Ayon sa pahayag ni George sa pulisya, pagdating umano niya sa kanilang bahay ay nagmamadali siyang magtungo sa banyo dahil sa tawag ng kalikasan subalit pagbukas niya ng kurtina ay napaatras siya nang makita ang kapatid na nakabigti sa kisame.

Agad na humingi ng saklolo si George sa kanilang mga kapitbahay at nang maibaba ang katawan ng nakabigting kapatid ay sinugod pa nila ito sa Quezon City General Hospital subalit idineklara itong dead-on-arrival ng attending physician na si Dr. Cecile Hulguin, bandang alas-3:30 ng hapon.

Masusing iniimbestigahan ng pulisya ang motibo sa sinasabing pagpapakamatay ng binata.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?