527

May 6, 2019 @ 15:00
By

‘Bikoy’ lumantad na; humingi ng legal assistance

Lumutang na ang lalaking nag-uugnay sa First Family sa illegal drug trade sa pamamagitan ng mga “Ang Totoong Narcolist” video.

Sa press conference sa Integrated Bar of the Philippines nitong Lunes, sinabi ni “Bikoy” na siya ay si Peter Joemel Advincula.

Aniya, tunay siyang tao at hindi kathang-isip lang tulad ng sinasabi ng iba.

“Andito ako ngayon sa tanggapan ng Integrated Bar of the Philippines upang humingi ng legal assistance. Kailangan ko ng abogado para isubmit ang aking sinumpaang salaysay at tulungan ako magsampa ng kaso laban sa mga miyembro ng sindikato,” aniya.

Nagdesisyon umano siyang lumabas dahil sa banta sa kaniyang buhay at tawag ng konsensiya.

“Nakikita ko ang pagwasak ng pamilya na dulot ng droga, na kung saan naging bahagi ako ng pagpapakalat nito noong miyembro pa ako ng sindikato. Panahon na upang puksain ang pamamayagpag ng sindikatong ito,” pahayag ni “Bikoy”.

Bahagi umano ng gawain ng kaniyang team ang pag-scan ng mga code na nakaukit sa tattoo ng mga senior member ng sindikato.

Aniya, handa siyang humarap sa anumang imbestigasyon sa Senado upang patotohanan ang lahat ng kaniyang inilabas na video serye.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?