1,715
Big time supplier patay, 2 sikat na celebrity tinitiktikan ng PDEA
By

Big time supplier patay, 2 sikat na celebrity tinitiktikan ng PDEA

Dalawang sikat na celebrity, isang lalaki at babae ang tinitiktikan ngayon ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) makaraang makita ang mga pangalan ng mga ito na umorder ng 200 piraso ng ‘ecstasy’ o mas kilalang party drugs’ sa cellphone ng napatay na sinasabing pinakamalaking drug supplier sa Maynila.

Ayon kay PDEA Director Levi Ortiz, hindi muna nila papangalanan ang mga nabanggit na celebrity at kung saang network kabilang ang mga ito, subalit sinabi niya na sikat na sikat ang dalawa.

Aniya, habang sinisiyasat nila ang cellphone na pag-aari ng napatay na big time party drug supplier na nakilalang si Steve John Passion sa isinagawang buy-bust operation sa parking area ng isang condominium sa Sta. Cruz, Manila nitong Lunes ng gabi, ay nabasa nila ang text message ng dalawang celebrity na umoorder ang mga ito ng 200 piraso ng ecstasy.

“Positve ‘yung dalawang kilalang celebrity pero hindi pa muna natin pwedeng i-identify kasi nagsasagawa pa kami ng follow up operation at baka masunog at magtago na sila,” ayon kay Ortiz.

Isinagawa ng mga operatiba ng PDEA ang buy-bust operation laban sa suspek na kinilalang si Steve John Pasion sa parking area ng isang condominium sa Sta. Cruz, Manila, nitong Lunes ng gabi.

“‘Yung modus operandi nila, ginagawa nilang storage o warehouses itong condominium,” ayon naman kay PDEA-National Capital Region Director Joel Plaza.

Sa report, habang inaaresto ng PDEA agents si Pasion ay nagtangka pa itong tumakas sakay ng kaniyang puting SUV ngunit naharang siya ng mga awtoridad.

Inutusan si Pasion ng mga awtoridad na bumaba sa kaniyang kotse pero sa halip na sumuko ay nang-agaw umano ito ng baril at tinangka ring kunin ang sarili niyang armas na nasa loob ng kaniyang sasakyan.

Dahil dito ay napilitan na umanong magpaputok ang mga awtoridad at duguang bumagsak ang nasabing big time drug supplier. Naisugod pa sa ospital ang suspek subalit dineklara na rin itong dead on arrival.

Nasamsam sa napatay na suspek ang 50 gramo ng shabu at 15 tableta ng ecstasy na nagkakahalaga ng mahigit P300,000, isang baril na may lamang 13 bala.

Sa paghahalughog naman ng mga awtoridad sa mismong condominium unit ni Pasion ay nasamsam ang isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6 milyon at liquid ecstasy na nagkakahalaga ng P75,000.

Kasabay nito ay binitbit na rin ng PDEA agents ang nobya ni Pasion na si Sophie Mercado na tumangging magpahayag ng detalye sa mga mamamahayag.

Si Mercado ay kasalukuyang nasa kostudiya ng PDEA habang inihahanda ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?