33
bbl
Jul 5, 2018 @ 17:30
By

BBL pagtutulungan na ng Senado, Kamara

Magkaagapay na ang Senado at Kamara sa pagplantsa sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) .

Sa abiso ng tanggapan ni Senador Juan Miguel Zubiri, chairman ng Senate subcommittee on the BBL, nakatakda na ang mga pulong ng bicameral conference committee sa Hulyo 9 hanggang 11.

Idaraos ang marami pang pagpupulong sa mga kasunod na araw at linggo kung kinakailangan.

Sa mga naunang panayam, sinabi ni Zubiri na inaasahan niyang magiging madugo ang pagtalakay ng BBL sa bicameral conference committee dahil malaki ang kaibahan ng bersyong inaprubahan ng Senado kumpara sa inaprubahan ng Kamara.

Isa na sa kaibahan ang probisyon sa Senate version na nagbibigay-diin na ang Bangsamoro ay nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Republika ng Pilipinas at ang mga mamamayan ng Bangsamoro Region ay mamamayan ng Pilipinas.

Tinanggal ng Senado ang Palawan sa historical range ng Bangsamoro.

Itinakda sa Senate version ang 50-50 scheme para sa paghahati ng magiging kita ng mga lalawigan at bayan na sasaklawin ng Bangsamoro government samantalang 72-25 ito sa bersyon ng Kamara katulad ng rekomendasyon ng Bangsamoro Transition Commission.

Umano’y aatupagin ito nang husto dahil puntirya na mapapirmahan ito kay Pangulong Rodrigo Duterte sa araw mismo ng ikatlo nitong State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 23.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?