46
Bayad kada text ipako sa isang sentimo - Marcos
By

Bayad kada text ipako sa isang sentimo – Marcos

Tiyak na aangal ang mga telecommunication company sa panukala ni Senadora Imee Marcos na naglalayong ibaba sa sentimo ang kada text message sa halip na piso.

Sa ilalim ng Senate Resolution No. 6, hinikayat ni Marcos ang Department of Information and Communications Technology o DICT na agarang magpatupad ng istriktong price ceiling at tapyasan ang presyo ng kada text na mula piso ay gawing isang sentimo.

Ayon kay Marcos, tama na gawing balanse ang interes ng mga telco provider ngunit dapat na nakasusunod sa global trend para sa mas mabilis subalit murang serbisyo publiko.

Bagama’t inaasahang sa pagpasok ng ikatlong telecommunications provider sa bansa na Dito Telecommunity na mag-aalok ng mas murang serbisyo kumpara sa Globe at Smart, karapatan pa rin ng publiko na magkaroon ng mas mababang rate para sa text messages.

Hindi umano malulugi ang tatlong telco providers kahit pa ipatupad ito sa bansa dahil malaki pa rin ang kanilang kikitain.

Sabi pa ni Marcos, bagama’t bilyon ang kinikita ng mga telco provider sa bansa mula sa text messaging, pinakamabagal pa ring internet speed sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa sa Southeast Asia.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?