47

Feb 21, 2020 @ 16:58

Bato pinagtanggol ng Palasyo sa mga basher

Ipinagtanggol ng Malacañang si Senador Ronald “Bato” dela Rosa laban sa mga banat ng mga netizen matapos ihayag ang suporta nito kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa isyu ng ABS-CBN franchise na nakatakdang mag-expire sa susunod na buwan.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na wala siyang nakikitang masama kung susuportahan ng senador ang posisyon ng Presidente hinggil sa nabanggit na usapin.

Nagpaliwanag naman aniya si Senador Dela Rosa kung bakit kampi ito sa posisyon ng Pangulo hinggil sa mainit na usapin sa ABS-CBN franchise.

“Eh di ba pinaliwanag niya na yun, wala naman masama daw doon kung suportahan niya si Presidente. Tandaan n’yo na bawat isa rin ay may kanya-kanyang prinsipyo. Siguro kaya niya sinusuportahan kasi pareho ang prinsipyo nila ni Presidente on matters subject ng pinag-uusapan. Eh kung lumihis na sa prinsipyo niya, eh di siyempre kokontra na rin siya. Ganun lang naman yun eh,” ani Panelo.

Matatandaang kinuyog ng mga netizen sa social media ang senador dahil sa loyalty umano nito sa Pangulo sa halip na ang libo-libong mawawalan ng trabaho kapag hindi na-renew ang prangkisa ng TV network.

Maging ang radio jock ng FM station ng ABS-CBN na si DJ Chacha ay bumanat din sa senador at hiniling na magbitiw na lang ito sa kanyang puwesto .

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?