338

Feb 20, 2020 @ 14:14
By

Bato kay Espenido: Manahimik ka na lang!

Pinatatahimik ni dating Philippine National Police (PNP) chief at ngayon ay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa si Police Lt. Col. Jovie Espenido sa pagsasalita kaugnay ng pagkakadawit ng pangalan nito sa narco list ng Pangulo.

Ayon kay Bato, hindi tama na ang isang opisyal ng puis ay putak ng putak, at kung hindi umano ito mapipigilan ni Espenido ay dapat na umalis na muna ito sa serbisyo.

Dagdag pa ni Dela Rosa na may ongoing adjudication process ang PNP upang mabatid kung sino ang positibo sa listahan gayundin naman kung sino ang inosente kaya dapat ay huwag na lang munang magsalita si Espenido habang patuloy ang imbestigasyon.

“Please tell him to stop talking, sinisira lang nya ang sarili niya ‘pag ganon, it’s not helping, talking indiscrimately is a not observing the proper decorum otherwise kung gusto niyang magsalita ng magsalita against sa PNP, lumabas siya o umalis siya from the organization, magkakaroon tayo ng loyalty check pag ganon,” pahayag ni Dela Rosa sa media interview sa Camp Crame kung saan siya guest of honor sa anibersaryo ng PNP Maritime group.

Malabo din umanong mangyari ang sinasabi ni Espenido na papatayin siya ng pulis dahil maging ang Pangulo ay hindi naniniwalang involved siya sa iligal na droga.

Dagdag na paliwanag pa ng Senador na kung mayroon umanong papatay kay Espenido, tiyak na ito ay mga rogue cop na naapektuhan sa kanyang operasyon sa kampanya kontra iligal na droga.

“Hindi naman, i don’t think so, siguro kung may pulis na magkakainteres sa kanya ay ‘yung mga ninja cops, hindi ‘yung pulis na matino,” paliwanag ni Dela Rosa.

Wala din umano si Espenido sa narco list ng panahon ng senador bilang PNP chief.

“Hindi ko nakita noong panahon ko otherwise hindi ko ‘yan i-appoint, sa Albuera, Leyte then later pinadala ko sa Ozamiz kung may ganong klaseng report, wala akong nakitang ganong report, saan galing yan? Lumabas lang out of thin air?” dagdag pa ni Bato.

Dapat din umanong imbestigahan ng PNP kung sino ang mga naglilista ng mga pangalan ng mga pulis at mga basehan nito sa pagsama sa kanila sa narco list, saad pa ni Dela Rosa.

“Dapat ungkatin ng PNP kung sino ang gumawa ng report na yan, most likely sindikato na pulis ang gumawa non, dapat follow-up ng PNP yan dahil kung andiyan pa ‘yang mga pulis na ‘yan most likely meron na naman yang gagawing kalokohan sa ibang kasamahan nila na makakalaban nila” pahayag pa ni Bato.

Sa ngayon ay buo pa rin umano ang tiwala ni Dela Rosa kay Espenido at gaya ng pangulo ay hindi rin umano siya naniniwala na sangkot ito sa kalakaran ng iligal na droga sa bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?