1,333

By

Batas ay batas! Abogado pinatahan ang pinaiyak na Mayor Isko

Nanindigan pa rin ang isang human rights lawyer sa sinabi niyang “biased” laban sa mga mahihirap at “hipokrito” si Manila Mayor Isko Moreno.

Ayon kay Fahima Tajar, hipokrito ang alkalde dahil lagi nitong pahayag na “ang batas ay batas,” ngunit nilabag mismo nito ang Section 90 ng Republic Act 7160 o Local Government Code, na nagbabawal sa mga governor at mayor sa bansa na kumuha ng alinmang trabaho gayong full-time job ang kanilang government position.

“Kapag yung pa-cute na mayor ang lumabag sa batas, okay lang kasi napupunta naman for a “good cause” through donations ang talent fee n’ya sa endorsements ng produkto,” hayag pa ni Tajar sa hiwalay na Facebook post, Enero 23.

“So kapag mahirap, bawal lumabag sa batas? Hindi kasi for a good cause. 🙄,” sabi pa nito.

Tumaas ang boses at napaluha si Isko nang talakayin sa kanyang Facebook Live sa Manila City Hall ang umano’y “mema” (may masabi lang) na sinabi ni Tajar.

Giniit din ni Moreno na “huwag maging mapanghusga” ang mga kritiko dahil lahat ng kikitain niya sa mga tinanggap niyang endorsement ay direktang binigay para sa mga biktima ng Taal Volcano eruption. Sinabi niya ring ang taumbayan na ang dapat humusga sa kanya.

“Kung mali ang ginawa ko, hayaan ninyo na panagutan ko sa batas kung mali ang pagtulong sa taumbayan sa ibang klase, uri, at makatuwirang pamamaraan na hindi ginagamit na parang balewala na lang ang kaban ng bayan. Pera ng pribado, itinulong sa tao, mali?,” bulalas ni Isko nitong Biyernes ng gabi, Enero 24.

Matapos ang emosyonal na pahayag, humingi ng tawad si Moreno, na siyang tinanggap ni Tajar.

Pinatahan din nito si Yorme, ngunit nanindigan na “bawal ang epal na trapo,” at “ayaw na namin sa mga pulitiko na hindi tumutupad sa pangko.”

“Apology accepted. Sorry rin if nasaktan ka Yorme. Sana alam mo rin ang pinanggagalingan ko… Tumutulong din ako sa mga gusto mong tulungan kaya nga ang issue ko talaga, bakit mas mailap sa kanila ang batas? Bakit kapag sila ang lumabag, hindi nila pwede i-invoke ang good cause o trahedya?” hayag ng abogado sa hiwalay na pahayag ngayong Linggo, Enero 26.

“Wala ring mali if pera ng pribado ang gagamitin upang makatulong. Pero gawin mo bilang MAYOR (hindi bilang endorser o modelo with the billboards). Magpa-feeding program ka with Ramon Ang, etc,” wika pa niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?