520

By

Basura ng SoKor, hahalukayin ng DENR

Ipinahayag ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Benny Antiporda na iniimbestigahan na nila ang tone-toneladang basura na nakitaan ng ‘hazardous waste’ na sinasabing galing umano sa South Korea (SoKor)

Ayon kay Usec. Antiporda, na hindi palalagpasin ng ahensiya at pananagutin ang sinumang may pakana o may kinalaman sa nadiskubreng basura na sinasabing galing ng SoKor at itinapon dito sa Pilipinas at nakatambak ngayon sa Mindanao.

“Kukumpirmahin ng ahensiya kung totoo na galing ang tone-toneladang basurang ‘yan sa South Korea, at kung totoo titiyakin natin na mananagot sila dito,” anang kalihim, kasabay ng pagsasabing may hinala din na posibleng may nangyaring ‘misdeclaration’ ng shipment.

Agad namang gumagawa ng solusyon ang ahensiya sa mga basurang nakatambak sa Mindanao upang hindi makasama sa kalusugan ng mga residente sa nasabing lugar.

Batay naman sa ipinalabas na statement ni Aileen Lucero, National Coordinator ng EcoWaste, ginagawan ng solusyon ng South Korea na bawasan ang paggamit ng plastik pero itinatapon naman ang kanilang kalat nila sa iba’t ibang bansa, maging dito sa Pilipinas.

“It’s high time for the Philippines to disallow garbage imports and to demand that developed countries, as well as manufacturers of plastics and other disposable goods, take full responsibility for their products throughout their whole life cycle,” giit ni Lucero.

Nabatid na ang ang mga basura na sinasabing galing ng South Korea ay dumating sa Cagayan de Oro City noong Hulyo 21 sakay ng MV Affluent Ocean na idineklara umanong plastic synthetic flakes sa Bureau of Customs (BOC).

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?