99

Sep 25, 2019 @ 20:52
By

Baryang P20, ihahabol ng BSP sa Disyembre

Maaaring maihabol ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang paglulunsad ng baryang P20 sa Disyembre.

Ayon kay BSP Governor Benjamin Diokno, magandang itaon sa Disyembre ang paglunsad para pang-aginaldo sa mga bata sa Pasko.

Nitong Hulyo lang sinabi ng BSP na pinag-aaralan na nito ang posibilidad ng paglalabas ng baryang P20 na inirekomenda na ng University of the Philippines dahil malimit itong gamitin ng mga tao.

Mas makatitipid ang BSP sa paggawa ng pera kung magiging barya na ang P20 dahil mas matagal itong magagamit kaysa sa papel.

Noong 2018, nasa 1.24 milyong piraso ng P20 na papel ang nasa bansa na nagkakahalaga ng P23.8 bilyon.

Ngayong taon, nasa P10.5 bilyon ang budget ng BSP para sa pagbili ng perang papel mula sa ibang mints/manufacturers sa mundo na pandagdag pa sa ginagawa nitong perang papel.

Ang budget naman ng BSP para pambili ng mga new generation coin na P5 at P10 ngayong taon ay nasa P3.9 bilyon, na bukod pa sa mga baryang ito mismo ang gagawa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?