108

Jan 28, 2020 @ 21:07
By

Barkadahan Bridge ng Taytay, bukas na sa mga motorista

Binuksan na para sa mga motorista ang Barkadahan Bridge na naglalayong makaluwag sa daloy ng trapiko ng mga papuntang Taytay, Rizal mula sa Metro Manila bilang alternatibo sa C-5 at EDSA

Umabot sa P34 milyon ang ginastos para sa retrofitting o pagpapatibay at reconstruction ng nasabing tulay na nilaanan ng pondo ng DPWH.

Ang Barkadahan Bridge ay isang 245-linear meter bridge sa Taytay, Rizal at dinadaanan ng libu-libong sasakyan araw-araw patungong Marikina, Pasig, Quezon City at iba pang lungsod sa Metro Manila.

Kaya naman lubos ang pasasalamat ni Taytay Mayor Joric Gacula kina Rizal Governor Nini Ynares, Congressman Jack Duavit, DPWH Secretary Mark Villar at sa Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa mabilis na nakumpuni ang Barkadahan Bridge.

Nabatid na dati nang nakatayo ang tulay at humina lamang dahil hindi nito nakayanan ang volume ng mga sasakyan na dumadaan sa paglipas ng panahon.

“Ang tulay kasi na ito ay pinagawa ni dating Presidente Erap [Estrada], para sa mga former San Juan City residents na dito niya ni-relocate. Dahil walang madaanan papuntang palengke kaya ipinagawa niya itong tulay na ito,” ayon pa kay Gacula.

Tinawag na Barkadahan Bridge ang nasabing tulay dahil sa request ni dating Congressman Gilberto “Bibit” Duavit at former Governor Casimiro “Ito” Ynares sapagkat silang tatlo nina Pangulong Estrada ay magkakabarkada.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?