466

By

Bangkay ng UP student naka-plastik ang ulo

Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad kung nag-suicide o sadyang pinatay ang isang estudyante ng University of the Philippines (UP) na natagpuang balot ng plastic bag ang ulo sa nirerentahang silid sa Quezon City, Huwebes ng hapon.

Ayon kay PSSG. Genaro Diego, imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) ang biktima na si Emmanuel, UP student at residente ng Barangay UP Campus, QC.

Sa inisyal na report, bandang alas-4:59 ng hapon (December 5) nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang silid ng nirerentahang boarding house sa nasabing barangay.

Batay sa pahayag sa pulisya ni Amiel, boardmate ng biktima, pagdating umano niya at nang buksan ang pinto sa kanilang nirerentahang silid upang magpahinga ay may kung anong bagay ang nakaharang dito.

Dahil hindi mabuksan ay kumatok umano siya subalit matapos ang ilang minuto ay wala pa ring nagbubukas kaya humingi na siya ng saklolo sa kanilang landlord.

Agad na tumulong ang landlord at nang buksan ang pintuan ay bumungad sa kanila ang katawan ng UP student na may balot ng dilaw na plastic bag ang ulo.

Mabilis na tinanggal ng dalawa ang nakabalot na plastic bag sa ulo ng biktima subalit nang kanilang pulsuhan ay wala na itong buhay kaya agad na nilang inireport sa pulisya ang insidente.

Sabi ni John Agtarap ng SOCO, wala naman silang nakitang external injury sa bangkay ng biktima at posibleng suffocation ang ikinamatay nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?