39

By

Bangkay ng lalaki, bumulaga sa talon sa Laguna

Isang bangkay ng lalaki na umano ay isang taon nang nawalay sa kanyang pamilya ang natagpuan malapit sa falls sa Cavinti, Laguna noong Biyernes ng tanghali.

Hinihinalang ang biktima ay si Casil Cristino Jr. y Zate, nasa 40-anyos, na tubong Barangay Cabulohan, Cabanglasan, Bukidnon at dating naninirahan sa bayan ng Cavinti.

Ayon kay Patrolman Khezer Calimag, imbestigador ng Cavinti police, ang biktima ay kinilala batay sa nakuhang bag malapit sa kinatagpuan ng bangkay sa gilid ng Talahib falls sa Cavinti River sakop ng Brgy. Anglas.

Naglalaman umano ang bag ng mga dokumento kabilang ang SSS, Philhealth ID, university clearance mula sa Bukidnon State University na lahat ay nakapangalan sa biktima.

Nakita rin sa bag ang isang plastic na may nakasilid na humigit kumulang isang kilong bigas.

Ayon sa pulisya, nasa state of decomposition na ito nang matagpuan sa gilid ng ilog.

Nang beripikahin sa munisipyo ng Cavinti, meron nga umanong ganoong residente sa nasabing bayan, subalit huli aniya itong nakita ng mga kaanak noong Disyembre 2018 kung saan sa kanilang pagkakaalam ay nagtatrabaho ito sa isang hotel sa Maynila.

Sinusuri pa ang bangkay at inaalam kung ano ang dahilan ng pagkasawi nito samantalang inaalam na rin kung saan ito namalagi sa loob ng isang taon na pagkakawalay sa mga kapamilya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?