29

Mar 4, 2020 @ 18:27
By

Ban sa mga bansang kumampi sa Iceland, inalis ng PH

Inalis na ng gobyerno ang ban para sa anumang transaksiyon o negosasyon sa mga bansang kumampi sa resolusyong inihain ng Iceland sa United Nations Human Rights Commission (UNHRC) na kumukuwestiyon sa extrajudicial killings sa Pilipinas.

Batay sa memorandum order na inilabas ni Executive Secretary Salvador Medialdea, ipinabatid nito sa lahat ng mga tanggapan ng gobyerno, kasama na rito ang government-owned and controlled corporations (GOCCs) at government financial institutions (GFIs) na lifted na ang suspensiyon.

Gayunman, sinabi ni Medialdea na kahit lifted ang ban, kailangan pa rin ang clearance bago gawin ang pinal na kasunduan sa mga dayuhang bansa.

Ang memorandum ay pimado ng kalihim noong February 27, 2020.

Matatandaang sinuspinde ng gobyerno noong Agosto 2019 ang lahat ng transaksiyon sa 18 bansa na sumuporta sa resolusyon ng Iceland na naggigiit na imbestigahan ang nagaganap na maramihang pagpatay sa Pilipinas kaugnay sa war on drugs ng Duterte administration at humihiling na maglabas ng report hinggil sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao.

Sa nasabing resolusyon ng Iceland, 18 bansang kasapi ng United Nations ang bumoto pabor sa paghingi ng kopya ng sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas, 14 ang bumoto ng “no” kabilang ang China at 15 ang nag-abstain kabilang ang Japan, Brazil at Pakistan.

Hindi naman nagbigay ng dahilan si Medialdea kung bakit binawi ni Pangulong Rordigo Duterte ang suspension order.

Kabilang sa mga bansang kumampi sa Iceland ay Argentina, Australia, Austria, Bahamas, Bulgaria, Croatia, Czech Republic, Denmark, Fiji, Italy, Mexico, Peru, Slovakia, Spain, Ukraine, United Kingdom at Uruguay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?