136

By

Bakbakan nina Gerald at Daniel ipapalabas sa ABS-CBN S+A

Mapapanood na ang mainit na bakbakan sa basketball ng Kapamilya stars sa pangunguna nina Gerald Anderson at Daniel Padilla sa pagpapalabas sa ABS-CBN S+A ng Star Magic All-Star Game ngayong Linggo (Agosto 26).

Muling nagtagumpay ang Team Blue ni Gerald matapos tambakan sa iskor na 113-75 ang Team Red ng bida ng “The Hows of Us” na si Daniel. Hinirang ding Most Valuable Player si Gerald na nakakuha ng 24 puntos at walong rebound sa laro.

Kasalukuyang naglalaro si Gerald sa Marikina Shoemasters sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) na itinatag ni Sen. Manny Pacquiao at napapanood din sa S+A.

Sa Team Red naman, nanguna sa puntos si Axel Torres na kumamada ng 19. Tulad ni Gerald, naglalaro rin si Axel sa MPBL at nakatakda pang lumaban sa Tsina matapos pumangalawa sa Vivo HoopBattle Championship Philippines ang koponan niyang Team Core.

Pasok sa Mythical Five sina Gerald at Axel kasama sina Rayver Cruz at Young JV ng Team Blue at ang kapitan ng Team Red na si Daniel, na nagtapos ng may 11 puntos.

Bukod sa kanila, nagpakitang-gilas din ang iba pang Kapamilya stars tulad nina JC De Vera, Vin Abrenica, Ronnie Alonte, Zeus Collins, Ejay Falcon, at Richard Gutierrez, na tinanghal namang Rookie of the Year. Hindi naman patatalo ang kanilang mga tagahanga at tagasuporta sa pag-cheer sa kanila sa Araneta Coliseum kabilang sina Kathryn Bernardo, Vice Ganda, Sarah Lahbati, Loisa Andalio, at marami pang iba pa.

Panoorin ang Star Magic All-Star Game sa pagitan ng Team Blue at Team Red sa S+A at S+A HD sa Linggo (Agosto 26) ng 8 pm.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?