45

Bagong yaya higit 70 beses nanakit sa alagang baby

71 beses umanong sinaktan ng yaya ang isang 10-buwang gulang na baby, kaya desidido ang mga magulang na sampahan ito ng kaso.

Magdadalawang buwan pa lang umanong nagtatrabaho si alyas “Vanessa” para sa mag-asawa at sa baby.

Sa ulat ng ABS-CBN News, ayon sa ama ng bata na si alyas “Mark,” pareho silang may trabaho ng asawa kaya kinailangan nila ng yaya. Naglagay din sila ng security camera upang mabantayan ang bata.

Sa simula, wala naman silang napapansing problema kay Vanessa, hanggang sa kausapin na sila ng kapitbahay at sabihing bigla na lang umiiyak ang sanggol.

Dito na tinutukan ni Mark ang camera, at nagulantang siya sa nakita.

“Sobrang dami ko nakita may times na pinapatulog niya ang bata imbis na tap lang sa pwet nakaclosed fist pati sa ulo,” saad ni Mark sa ABS-CBN News.

“Sobrang dami ko nakita… After maligo ‘yung bata karga niya ihahagis niya doon sa kama ‘yung ulo umaalog talaga… From November 18 to 28, sa duration na ‘yun… 71 videos na sinaktan niya anak ko,” wika pa ng tatay.

Pina-blotter na ng mag-asawa ang katulong sa barangay at dinala na rin ito sa pulisya.

Ayon pa sa ulat, naunang tumanggi sa akusasyon si Vanessa ngunit umamin din at sinabing nagawa ang pananakit dahil “hindi ko na po alam ang gagawin,” at “wala pong trabaho ang asawa ko.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?