66

By

Bagong obispo ng Surigao del Sur, hinirang ni Pope Francis

Isang pari mula sa Cagayan de Oro ang napili ni Pope Francis para maging ikatlong obispo ng Tandag, Surigao del Sur.

Ito ay si Father Raul Dael na magiging kapalit ni Bishop Nereo Odchimar, 77-anyos, na magreretiro na dahil lagpas na siya sa retiring age na 75.

Bago mahirang sa bagong posisyon, si Dael ay nagsisilbi bilang Vicar for the Clergy ng Archdiocese of Cagayan de Oro.

Isinilang noong Oktubre 10, 1966, nag-aral si Dael ng Theology sa St. John Vianney Seminary of Theology sa Cagayan de Oro City at naging ganap na pari noong 1993.

Mula 2003 hanggang 2009, nag-aral si Dael ng spirituality sa Pontifical Gregorian University sa Roma at nang siya ay makabalik sa Pilipinas, naging propesor ng Pastoral Theology sa nabanggit na seminaryo.

Itatakda pa lamang ang episcopal ordination ni Dael bilang obispo, pero habang ito ay nakabinbin pa, si Bishop Odchimar ang mananatiling pinuno ng diocese.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?