28

By

Bagong kaso sa P6.4B shabu shipment inihain ng DOJ sa Valenzuela RTC

Naghain muli ng kaso sa korte sa Valenzuela City ang Department of Justice (DOJ) laban sa mga suspek sa P6.4 bilyong shabu shipment galing China.

Nauna nang ibinasura ng Valenzuela Regional Trial Court ang kasong importation of dangerous drugs laban sa siyam na respondent dahil sa isyu ng hurisdiksyon dahil ang krimen ay nangyari sa labas ng Valenzuela.

Ang nasabing kaso ay inilipat na ng DOJ sa Manila Regional Trial Court dahil shipment ay unang dumating sa Manila International Container Port bago ibiniyahe sa isang warehouse sa Valenzuela kung saan nadiskubre ang iligal na droga.

Pero naghain muli ng hiwalay na kaso sa Valenzuela RTC ang DOJ, at sa pagkakataong ito, kasong “transportation and delivery of dangerous drugs” na paglabag sa ilalim ng Section 5, in relation to Section 26-a ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang isinampa laban sa kaparehong mga respondent.

Kasama sa mga sinampahan ng kaso sina: Chen Julong alyas Richard Tan o Richard Chen; Li Guang Feng alyas Manny Li; Dong Yi Shen Xi alyas Kenneth Dong Yi or Yi Shan Dong; Mark Ruben Taguba II; Eirene Mae Tatad; Teejay Marcellana; Chen I-Min; Jhu Ming Jyun; Chen Rong Huan. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?