107

By

Babae patay matapos masagasaan ng SUV na ‘minaneho’ ng 10-anyos

Trahedya ang idinulot ng naiwang bukas na makina ng sasakyan na napaglaruan ng batang lalaki matapos nitong masagasaan ang isang 58-anyos na babae sa Banna, Ilocos Norte.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, nasa bahay ng sekretarya ng barangay ang bata at ama nito pati na ang nasawing si Flordelina Susa kasama ang dalawa pang kabarangay, Marso 25 ng hapon.

Nag-uusap umano ang mga ito sa labas ng bahay malapit sa garahe habang nakaparada ang sasakyan ng mag-ama sa labas ng bahay.

Iniwan ng ama na umaandar ang makina ng sasakyan pero hindi umano namalayan na bumalik ang anak sa loob ng kanilang sasakyan.

Dumiretso ang sasakyan sa garahe kaya naipit ang biktima sa pader nito habang nakatakbo at nakailag umano ang barangay secretary, ang ama ng bata at dalawang iba pang residente.

Hindi naman pinalad na mabuhay ang biktima na namatay habang ginagamot.

Isasailalim umano sa guidance counselling ang na-trauma na bata na masuwerteng hindi nasaktan sa nangyari.

Ayon sa pulisya, nagka-areglo ang dalawang panig at nangako ang pamilya ng nakabangga sa pamilya Susa na tutulong sa lahat ng gastusin sa pagpapalibing sa biktima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?