92

Feb 12, 2020 @ 11:11

Ayaw sa Covid-19: Pusa pinagsuot ng face mask

Hindi lang mga tao ang nag-iingat sa CoronaVirus Disease 2019 (Covid-19), gaya nitong isang pusa na nakasuot ng face mask.

Sa tweet ni Max Howroute, makikitang binutasan ang isang surgical face mask para sa mga mata ng isang black and white na pusa. Sakop ng mask ang mukha ng hayop. Hindi malinaw kung isang pet cat ang pusa, maging kung sino ang nag-aalaga rito.

Makikita ring nakasuot ng surgical mask ang babae at lalaki na kita ang mukha sa nasabing larawan.

Sabi ng ilang netizen, swerte ang pusa sa kanyang fur parent.

Tugon naman ni awtor-aktibista Charlotte Laws, mas mabuti ang lagay ng naka-face mask na pusa kaysa sa mga pusa sa China na tinatapon sa matataas na gusali.

Pinaghahagis umano ang mga alagang aso at pusa mula sa tore ng mga residente sa China, matapos kumalat ang pahayag ni Chinese epidemiologist Dr. Li Lanjuan na kapag ang isang hayop ay nagkaroon ng kontak sa pasyenteng hinihinalang nagdadala ng virus, kailangan silang i-quarantine.

Nilinaw naman ng China Global Television Network na ayon sa World Health Organization, wala pang ebidensiya na ang mga aso at pusa ay maaaring manghawa ng Covid-19.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?