72

By

AWOL na pulis na umano’y tulak ng shabu timbog

Arestado ang isang absent without leave (AWOL) na pulis na tulak umano ng iligal na droga matapos ang isinagawang buy-bust operation na ginawa ng Philippine National Police-Integrated Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) at National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Muntinlupa City kaninang madaling araw, Agosto 30.

Hindi na nakapalag nang posasan ng awtoridad ang suspek na si Patrolman Victor Bustamante, 37, matapos ang buy-bust operation dakong alas-2:45 ng madaling araw sa Barangay Poblacion ng nabatid na lungsod.

Ayon kay NCRPO Chief Major General Guillermo Eleazar, isang police poseur buyer ang kumuha ng 5 gramo ng shabu na nakalagay sa dalawang plastic sachet na halagang P68,000 kapalit ang P10,000 marked money sa nabatid na barangay katabi lang ng Minimum Security Compound ng New Bilibid Prison.

Bukod sa nasabing halaga ng shabu, nakuha din sa suspek ang 9-mm glock pistol at mga magazine nito, PNP ID at cellphone na gamit sa kanyang transaksiyon ng iligal na droga.

Ayon pa kay Eleazar, si Bustamante ay na-recruit bilang PO1 noong 2011 kung saan itinalaga ito sa Southern Police District, subalit nag-AWOL ito simula Pebrero ng taong ito at namonitor nga ito na luminya na sa pagbebenta ng iligal na droga dahilan upang ikasa ang buy-bust operation laban dito.

Sasampahan ang suspek na kasong R.A. 9165 Section 5 at 11 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?