21

By

Away ng angkan, posibleng motibo sa pagpaslang sa Talitay, Maguindanao Mayor

Tatlong anggulo ang sinisilip ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pag-ambush kay Talitay, Maguindanao Mayor Abdul Wahab Sabal na pinagbabaril hanggang sa mapatay sa Malate, Maynila noong Lunes ng gabi.

Sa press briefing na ginanap sa Quezon City Police District (QCPD) Station 10 sa EDSA Kamuning, sinabi ni NCRPO Director Police MGen. Debold Sinas, kabilang sa mga anggulong sinisilip sa pagpatay kay Sabay ay rido o away ng mga maiimpluwensyang mga angkan sa Mindanao, politika at iligal na droga.

Dahil dito bumuo na ang NCRPO ng Special Investigation Task Group (SITG) hinggil sa ginawang pamamaslang sa alkalde.

“We are looking on rido unless otherwise the family refute us kasi very colorful din ang background nitong pamilya nito doon sa Mindanao, so we are looking on that possibility, unless otherwise yung family has this different ideal,” ani ni Sinas.

Ayon kay Sinas ang SITG Sabal ay pinamumunuan ni Manila Police District (MPD) Director Police Brig. Gen. Bernabe Balba na siyang magsasagawa ng malalimang imbestigasyon sa kaso upang maresolba ang krimen sa lalong madaling panahon.

Ani ni Sinas, hawak na nila ang kopya ng close circuit television (CCTV) footage sa crime scene kung saan nakunan ang gunman na siyang bumaril sa alkalde.

Sinabi pa ng opisyal na nakasuot ng helmet ang gunman kaya hindi nakilala ang suspect at sa kasalukuyan ay wala pa silang itinuturing na persons of interest sa krimen.

“Nakita dun sa CCTV na ‘yung taong bumaril sa kanya ay naglakad galing sa kabilang kalye, kaya ang nahagip ng CCTV ay yung papunta doon, walang feedback na sniper”, anang pa opisyal.

Sinabing M16 rifle ang ginamit sa pamamaril at nagtamo ng dalawang tama ng bala sa katawan ang alkalde.

Sa ngayon ay sumasailalim na sa ballistic test ang mga basyo ng bala na nakuha sa pinangyarihan ng krimen.

Si Mayor Sabal ay kontrobersyal na sinasabing nasa narcolist rin ni Pangulong Rodrigo Duterte at umano’y may kinalaman sa madugong Davao bombing noong Oktubre 2016.

Matatandaan si Mayor Sabal ay nagtungo sa Maynila na dumalo sa Local Chief Executive Meeting na ipinatawag ng punong ehekutibo bago nabaril sa harap ng Mannra Hotel sa kaniyang tinutuluyan sa Malate, Manila.

Kaugnay nito, inatasan na rin ni Sinas si Balba na makipag ugnayan kay Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Police Director Brig. Gen. Marni Marcos na kaklase ni Sabal sa Philippine Military Academy (PMA) Maringal Class of 1988 para makakuha ng karagdagang detalye para maresolba ang ginawang pamamaslang sa alkalde.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?