240

By

Australyano binistay ang kalahi, 1 Pinay sa Olongapo

Patay ang isang Australian national at isang Pinay matapos na barilin ng kasamahan nilang Australian national na ikinasugat din ng asawa ng napatay na Pinay sa loob ng sinasakyan nilang kotse, Biyernes ng umaga sa Barangay West Bajac-Bajac, Olongapo City.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Anthony George Wilson. 61, Australian national, at Pinay na si Mila Bailey, 41, habang sugatan naman ang asawa nitong si Wayne Bailey, 71, pawang mga residente ng 133 National Highway, Bo, Barreto, Olongapo City.

Samantala naaresto naman sa isinagawang follow up operation ng Olongapo City police ang suspek na si Michael J. McLaren, Australian national, na ngayon ay kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya.

Sa inisyal na ulat ni Police Col. Benjamin DL Sembrano, hepe ng Olongapo City Police Office, naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng umaga sa kahabaan ng Rizal Avenue, malapit sa Ulo ng Gapo, Rotonda 1, West Bajac-Bajac ng nabatid na lungsod.

Nabatid na lulan ng Mitsubishi Mirage na kotse na may conduction number na B1 D469 ang suspek at mga biktima ng bigla na lang umanong makarinig ng sunod-sunod na putok ang mga tao sa paligid mula sa kotse.

Matapos ang ilang saglit ay lumabas ng kotse si McLaren ay nagmamadaling lumayo ng lugar.

Nang tignan ang loob ng kotse ay doon na bumungad ang wala ng buhay na si Wilson na nakaupo sa unahan ng kotse at sa likod naman ang pinay na si Mila, pawang may tama ng bala mula sa hindi pa batid ng baril sa ulo ang mga ito, habang sa driver’s side naman ay nakalugmok si Bailey na may tama sa katawan, agad itong dinala sa James L. Gordon Memorial Hospital kung saan siya nagpapagaling ngayon.

Base sa salaysay ni Bailey, pinagbabaril umano sila ni Mc Laren subalit sa ngayon ay hindi pa rin malinaw ang motibo ng pamamaslang.

Nadakip naman si McLaren sa isinagawang follow up operation ng pulisya habang patuloy naman ang imbestigasyon hinggil sa kaso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?