181
Hinaing ng mga driver, operator, dapat pakinggan - Poe
By

Atribida? Ginagawa ko lang ang trabaho ko – Poe

Ginagawa lang umano ni Senadora Grace Poe ang kanyang trabaho sa pamamagitan ng paghimay sa panukalang emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte para masolusyunan ang lumalalang trapik sa Metro Manila.

Ginawa ni Poe ang pahayag kasunod ng naunang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang buwan na walang siyang magawa sa matinding trapik dahil sa isang ‘atribida’ na kontra diumano sa pagbibigay sa kanya ng emergency powers.

“Hindi puwedeng magbibigay ka nang nakapikit lang ang mata mo. Kailangan ay talagang nakadilat ka at tinitingnan mo, ito iyong solusyon, ito rin ang safeguards,” pahayag naman ni Poe sa panayam ng DZMM nitong Miyerkoles.

“Kung atribida, kung ako nga ba iyon, ang masasabi ko lang pasensya na, trabaho ko ang ginagawa ko. Kung sa tingin nila may magandang solusyon, sa tingin ko responsibilidad nilang lahat na ihayag iyan,” dagdag pa nito.

Sa pagdinig ng Senate public services committee noong Martes, muling iginiit ni Transportation Secretary Arturo Tugade na kailangan na ni Pangulong Duterte ng emergency powers upang malutas ang problema sa matinding trapiko sa Metro Manila.

Subalit binara siya ni Poe sa pagsabing maraming puwedeng magawa ang gobyerno para masolusyunan ang problema sa trapik kahit wala ang emergency powers.

“Marami silang pwedeng nagawa na hindi pa nila nagagawa, hindi nila kailangan ng emergency powers para madagdagan ang train, ‘yun palang mga train ng Dalian ni isa walang tumatakbo nang maayos. Hindi kailangan ng emergency powers para patakbuhin ‘yan,” sabi ni Poe, chair ng Senate public services committee, sa panayam ng mga reporter.

Pangalawa, ‘yung mga sinasabi nila para mapabilis ang procurement, meron na tayong batas na pinapayagan din ‘yan. Pangatlo, ‘yung right of way issue, meron ding direktiba ang Korte Suprema na pagdating sa mga bagay na injunction na ganyan hindi rin dapat nag-iisyu ang lower courts,” dagdag nito.

Kung nagawa aniyang ayusin ang problema sa Boracay na walang emergency powers na ibinigay kay Pangulong Duterte, kaya ring gawin ito sa problema sa trapik sa Metro Manila.

“Yung plano nila hindi naman kailangan ng emergency powers para i-submit ‘yan kaya siguro hindi ko na rin napigilan ang aking sarili na magsalita sa ngayon sapagkat nasa kapangyarihan nilang gawin ang dapat nilang ginagawa pero hindi nila ginagawa eh kasi sinasabi nila walang emergency powers,” ani Poe.

“Eh bakit ang Boracay wala namang emergency powers naayos nila agad dahil nagkaroon ng direktiba ang ating Pangulo na dapat kumilos sila,” dagdag pa ng senadora.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?