54

Feb 2, 2020 @ 15:38
By

ASF nakarating na sa Mindanao

Kahit bawal magdala sa Mindanao ng baboy mula Luzon, umabot na ang African Swine Fever (ASF) sa Davao Occidental.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), nagpatawag ng emergency meeting si DA Regional Field Office 11 director Ricardo Onate nung January 30 na dinaluhan ng provincial veterinarian ng Davao Occidental, ng municipal agriculture officers, pati na ng mga police at environment officials, mga opisyal ng Bureau of Animal Industry (BAI) at iba pa.

Sabi ng DA, isasagawa na ang 1-7-10 protocal ng kagawaran kung saan papatayin lahat ng mga alagang baboy sa loob ng isang kilometro kung saan natagpuan ang kaso ng ASF, mahigpit na oobserbahan ang mga baboy na nasa loob ng pitong kilometro, at babantayan ang labas-pasok ng mga sasakyan sa loob ng 10 kilometro ng lugar na tinamaan ng ASF.

Sabi ng DA kanina, Pebrero 2, ang mga bayan ng Don Marcelino at Malita ang tinamaan ng ASF.

Walong barangay sa Don Marcelino ang tinamaan ng ASF (Linadasan, North Lamidian, South Lamidian, Calian, Mabuhay, Lawa, Nueva Villa, at Baluntaya) at pitong barangay naman ang tinaman ng ASF sa Malita (Bito, Kidalapong, Tubalan, Felis, Mana, Talogoy, at New Argao).

Ang tinamaan anila ng ASF ay mga backyard farmers na hindi nagbabakuna ng mga baboy at hindi rin nagbibigay ng bitamina sa kanilang mga alaga.

Kinuhanan ng samples ang mga baboy sa mga barangay sa Don Marcelino at Malita at pinadala ito sa laboratory ng DA-BAI sa General Santos City nung January 30.

“Results showed samples were positive for ASF and were immediately submitted to the DA-BAI for confirmation,” sabi ng DA.

Hindi sinabi ng DA kung ano ang pinagsusupetsahan nitong pinagmulan ng ASF sa Mindanao.
Tinukoy ni economic planning secretary Ernesto Pernia ang ASF bilang isa sa mga humila pababa sa agrikultura ng bansa nung 2019 at nanatili itong banta sa sektor hanggang ngayong 2020.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?