112

By

Apela sa binasurang P1.052B kaso kontra mga Marcos, pinaubaya kay Calida

Ipinauubaya na ng Malacañang sa Office of the Solicitor General (OSG) kung iaapela ang naibasurang P1.052 billion civil case laban sa mga Marcos.

Ito ay matapos ibasura ng Sandiganbayan ang civil case na inihain ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) laban sa pamilya Marcos.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, na para ma-dismiss ang isang kaso sa korte, posibleng kulang ito sa ebidensiya tulad ng nangyari sa kaso ng PCGG laban sa pamilya Marcos.

Kahit aniya pinakamagagaling pa na mga abogado ang hahawak sa isang kaso kung kulang sa ebidensiya ay matatalo ito.

“Alam mo, alam ninyo, kahit na pinakamagaling kang abogado kung kulang ang ebidensiya mo, wala ring mangyayari. Ang labanan kasi sa hukuman ay ebidensiya. Kung kulang ang ebidensiya mo and the court feels na you have not proven your case, your case will be dismissed. But it doesn’t mean na talagang talo ka; kulang lang iyong ebidensiya mo,” ani Panelo.

Batay sa desisyon ng Second Division, kulang ang mga naiprisentang ebidensya para patunayan na si Bienvenido Tantoco ay nagsilbing dummy nina dating Pangulong Ferdinand Marcos at Imelda Marcos sa paglikom ng P1.052 billion halaga ng ill-gotten wealth.

Batay sa kasong inihain ng prosekusyon, ang mga Tantoco ay nakakuha ng prangkisa para sa operasyon ng duty-free shops upang ikubli umano ang totoong pinagmulan ng kanilang yaman.

Hindi naman masabi ni Panelo kung ginawa ba lahat ng mga abogado ng gobyerno ang kanilang kakayahan sa natalong kaso dahil hindi naman sa panahon ng Duterte administration naisampa ang kaso laban sa mga Marcos kundi nadatnan na lamang nila ito sa korte.

Bahala na aniya ang OSG kung iaapela pa sa Sandiganbayan o iakyat sa Korte Suprema ang nasabing desisyon kung sa tingin ni Solicitor General Jose Calida ay may batayan pa para iapela ang kaso.

“Hindi ko alam kung mag-a-appeal sila. Ang sabi ko—kaya ang tanong ko nga kung nag-appeal na. But ordinarily, the government always appeal naman. And for that matter, all litigants appeal kapag may talo sila. Depende iyon kay SolGen. That will depend on him,” dagdag pa ni Panelo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?