489
‘Ang laki nga ng selda niya’ - PNP sa alegasyong hindi patas na trato kay De Lima
By

‘Ang laki nga ng selda niya’ – PNP sa alegasyong hindi patas na trato kay De Lima

Itinanggi ng Philippine National Police (PNP) na nilalabag nito ang karapatang pantao ni Senadora Leila de Lima dahil sa todo umanong pagbabantay sa mambatatas.

Matatandaang tinuligsa ng Commission on Human Rights ang bantay-saradong ginagawa kay De Lima kapag dumadalo ito sa mga pagdinig para maitago umano sa publiko at sa media.

Ayon kay PNP Human Rights Affairs Office head Chief Supt. Dennis Siervo sa report ng ABS-CBN, wala umanong pagkakaiba ang ginagawa nila kay De Lima na dinadala sa korte at hindi maaaring i-ambush interview, kina Janet Lim Napoles, Bong Revilla at Juan Ponce Enrile na mga dating nakakulong sa PNP Custodial Center.

Maayos din umano ang pagtrato kay De Lima sa loob ng 20.9-square meters na selda, na apat na beses umano ang laki kumpara sa standard size ng United Nations para sa mga selda.

Mayroon din umano itong sariling mini library, mini garden, area for recreation at exercise, maging ng personal staff.

Dahil dito hinamon ni Siervo si CHR spokesperson Jacqueline Ann de Guia na pormal na magsampa ng reklamo sa PNP dahil hanggang ngayon umano ay wala namang pina-file na complaint tungkol sa pagtrato kay De Lima.

Nakakulong si De Lima sa Camp Crame sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga, na nag-ugat sa pagkalat ng droga sa New Bilibid Prison noong siya pa ang kalihim ng Department of Justice.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?