134

By

Andrew Gan, dream makatrabaho si Nora Aunor

Ipinahayag ng Kapuso actor na si Andrew Gan na dream niyang makatrabaho ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor kaya may halong panghihinayang din siyang naramdaman nang hindi ito natuloy.

Muntik na kasing maging bahagi si Andrew ng bagong teleserye sa GMA-7 na Onanay na isa si Ate Guy sa lead star. Pero nakasalang pa siya sa ibang TV series ng Kapuso Network that time, kaya hindi napasali si Andrew sa Onanay.

“May halong panghihinayang po eh, dahil chance ko nang makatrabaho sana si Nanay (tawag ni Andrew kay Ate Guy).

“Pero hopefully matuloy iyong sinasabi ni Ate Guy na isasama niya ako sa movie na ipo-produce niya. Sana… ipagpe-pray ko po iyan,” esplika ni Andrew.

Nabanggit din niya kung gaano kabait si Ate Guy.

“Sobrang bait at hindi niya ipapa-feel sa iyo na Superstar siya. Siya mismo ang gagawa ng way para hindi ka ma-feel awkward.

“Ngayon alam ko na kung bakit siya naging Superstar, kasi sa showbiz hindi lang naman dapat basta talent, eh. Dapat okay rin ang attitude mo, na marunong kang makisama at maayos ang iyong pakikitungo sa mga tao kahit pa utility pa iyan or big boss ng production,” pahayag pa ng actor.

Incidentally, si Andrew ay mapapanood sa peliku­lang White Knight na tinatampukan nina Mon Confiado, Lovely Abella, Leo Martinez, ang Hollywood actor na si Lev Gorn, at iba pa. Ito’y mula sa pamamahala ng American director na si Gregory Segal.

Mapapanood din si Andrew sa Sari Sari Cable para sa Job Order at sa stage play na Mid Summer Nights Dream ni William Shakespeare na ididirek ni Edith Mandigma. Ipalalabas ito sa August 18 and 27 sa Paco, Manila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?