103

By

Amerika gustong gayahin: Kampanya ng kandidato, gastusan ng gobyerno – Panelo

Para maiwasan ang vote buying o pamimili ng boto tuwing panahon ng eleksiyon, dapat ang gobyerno ang gumastos sa kandidatura ng mga kandidato.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo bunsod na rin ng naiulat na maraming insidente ng vote buying sa katatapos na eleksiyon.

Ayon kay Panelo, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabing hanggat mayroong mahihirap, hindi mawawala ang vote-buying dahil kailangan ng mga Pilipino ang pera.

Sinabi ni Panelo na dapat gayahin ang Amerika na sa halip na ang mga kandidato ang gumastos, ang gobyerno ang dapat na bumalikat sa gastos ng mga kandidato.

Sa ganitong paraan ayon sa kalihim ay maaalis ang vote-buying at mawawala na ang nakagawian tuwing panahon ng eleksiyon.

“Ako ang iniisip ko, alam ninyo kung ano, para walang gastos ang mga kandidato, the government should spend for the expenses of the candidates just like in America. Ang mga Amerikano galing sa gobyerno ang gastos nila eh, mga kandidato,” ani Panelo.

Maganda aniya ang konsepto para maalis na ang bilihan ng mga boto na naging nakasanayan na ng maraming Pilipino.

Nilinaw ni Panelo na personal na ideya niya ito at puwedeng subukan ito ng gobyerno.

“Personal ko lang iyon, matagal ko nang iniisip, sabi ko bakit hindi natin gayahin ang US,” dagdag pa ni Panelo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?