54

By

Albayalde pinahaharap ng PNP-CIDG sa DOJ

Dinamay rin ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang dati nitong hepe na si Director General Oscar Albayalde kaugnay ng kontrobersiyal na drug raid sa Pampanga noong 2013.

Ito ay batay sa amended complaint na inihain ng PNP-CIDG sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Department of Justice (DOJ) panel of prosecutors kaugnay ng isyu ng “ninja cops.”

Si Albayalde ay sinampahan ng reklamong paglabag sa Section 27 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act na tumutukoy sa misappropriation, misapplication o failure to account for the confiscated or seized drugs.

Bukod dito, kasama ring siya sa mga kinasuhan ng paglabag sa Section 3-e ng Republic Act 3019 o Anti Graft and Corrupt Practices Act, paglabag sa Article 171 ng Revised Penal Code o falsification by public officer at paglabag sa Article 208 ng Revised Penal Code o dereliction of duty.

Kasama rin sa isinumite ng inevstigation arm ng PNP ang transcript ng pagdinig sa Senate Blue Ribbon Committee noong Oktubre 1, 3 at 9, 2019 na magiging bahagi ng ebidensya sa reklamong inihain nila.

Dumalo sa pagdinig ngayong araw ang tatlo sa mga sinibak na pulis na sina SPO1 Donald Roque, SPO1 Rommel Vital, at PO3 Romeo Encarnacion Guerrero, Jr. na tumangging magkumento sa pagkakasibak sa kanila.

Bukod sa mga nabanggit, pinahaharap din sa DOJ sina PSupt. Rodney Raymundo Baloyo IV, PSInsp. Joven De Guzman, Jr., SPO1 Jules Maniago, SPO1 Ronald Santos, SPO1 Alcindor Tinio, SPO1 Dante Dizon, SPO1 Eligio Valeroso, PO3 Dindo Dizon, PO3 Gilbert De Vera, at PO2 Anthony Lacsamana.

Samantala, binigyan naman ang panig ng mga respondent ng hanggang Nobyembre 5 para magsumite ng counter affidavit.

Nakatakda namang padalhan ng subpoena ng DOJ si Albayalde para paharapin sa susunod na pagdinig.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?