906

By

Albayalde nagka-SUV din matapos ang ‘agaw-bato’ operation

Ibinunyag ni dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Benjamin Magalong na isa rin si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Oscar Albayalde sa nakabili ng bagong sport utility vehicle (SUV) matapos ang drug operation sa Mexico, Pampanga noong Nobyembre 2013.

“Nabanggit po na pati ‘yung provincial director (ng Pampanga), mayroon din siya (SUV),” pahayag ni Magalong sa pagdinig ng Senado sa isyu ng diumano’y tinatawag na “ninja cop” o mga pulis na nagre-recycle ng iligal na droga na nakumpiska sa kanilang anti-drug operation.

Subalit agad na pinabulaanan ni Albayalde ang alegasyon sa kanya ni Magalong at sinabing ang sasakyan niya noong 2013 ay lumang modelo na pick-up truck.

“I really don’t know what personal gripes Major Magalong here has against me because this happened in 2013,” pahayag naman ni Albayalde.

“What I have in 2013 was a pick-up truck, the model I don’t know, an old model one. I can even say that I bought that from a neighbour,” dagdag pa nito.

Ayon pa sa PNP chief, hindi niya alam kung ano ang motibo ni Magalong sa pagbuhay sa naturang isyu anim na taon na ang nakakaraan lalo na’t nasibak na sa puwesto ang 13 na pulis na sangkot matapos mapatunayang guilty sa kasong grave misconduct.

“If there’s anything against these people, it could’ve done, even against me, it could’ve been done back in 2014, 2015, not during my time as chief PNP,” sabi ni Albayalde.

Una rito, sinabi ni Magalong na inutusan umano siya ni dating PNP chief Alan Purisima noong 2014 na imbestigahan ang mga pulis na kasama sa drug operation sa Woodbridge Subdivision sa Mexico, Pampanga noong Nobyembre 29, 2013.

Ito’y matapos na malamang kanya-kanyang nagsibilihan ang mga miyembro ng team ng SUV, ilang buwan matapos ang isinagawang operasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?