71
naia
By

Airport employee sinibak matapos mandekwat ng pera ng pasahero

Isang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) checker ang tinanggal sa trabaho ng Manila International Airport Authority (MIAA) dahil umano sa pangungupit ng pera mula sa wallet ng isang pasahero sa isinagawang security inspection.

Ayon sa ulat, dumaan ang grupo ni Hong Kong national Jackie Freeman Yuen kasama ng biktima sa final security screening sa NAIA Terminal 2 para sa flight nila pabalik ng HK noong Lunes ng hapon.

Iginiit umano ng security screener na si Nissan Abellon Villarino na magsagawa ng manual inspection sa backpack ng biktima.

Inalis umano ni Villarino ang laman ng bag ng biktima maging ang dalawang HK$1,000 bills na may kabuuang halaga na P13,000 mula sa wallet ng huli.

Binalik lang umano ng screening officer ang pera matapos komprontahin ng mga kasamahan ng biktima na marunong mag-English.

Hindi na umano nagawang maghain ng reklamo ang naturang mga turista dahil kailangan na nilang sumakay ng eroplano kaya ipinaalam na lang nila ito sa MIAA sa pamamagitan ng social media.

Sa ginawang imbestigasyon inamin ni Villarino na kumupit siya ng pera sa turista habang naka-duty.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?