99

Feb 20, 2020 @ 18:34
By

ABS-CBN hindi magsasara – Cayetano

Siniguro ni Speaker Alan Peter Cayetano na tuloy pa rin ang operasyon ng ABS-CBN sa kabila ng pag-expire ng prangkisa nito sa Marso 30.

Ayon kay Cayetano, makikipag-ugnayan ang Kongreso sa National Telecommunications Commission (NTC) upang siguruhing tuloy ang operasyon ng naturang TV network.

Kaya naman, muling iginiit ni Cayetano na walang dahilan upang apurahin ang pagdinig ng nakabinbing panukalang may kinalaman sa renewal ng ABS CBN franchise.

“Ang ABS-CBN ay hindi magsasara. Meron tayong ugnayan sa NTC na gagawin na habang naghi-hearing kami o habang pending sa amin, hindi magsasara,” paniniyak ni Cayetano.

Aminado si Cayetano na hindi niya binabalewala ang pangambang hinaharap ng libo-libong empleyado ng naturang TV network ngunit importante rin sa kanya ang mahahalagang panukala na kailangang bigyan tuon at prayoridad ng Kamara.

“Importante din sa akin yung daang libong trabaho at milyong trabaho na pwedeng makuha ng Pilipinas kapag yung CITIRA (Corporate Income Tax and Incentives Reform Act) o yung pagiging competitive ng ating bansa sa pagbaba ng corporate income tax ay mapasa natin,” dagdag ni Cayetano.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?