244

By

Abogado tinodas sa harap ng hall of justice sa Dagupan

Patay ang isang abogado nang pagbabarilin ng nag-iisang gunman sa harap ng hall of justice ng Dagupan City sa lalawigan ng Pangasinan, Biyernes ng umaga.

Kinilala ang nasawing biktima na si Atty. Val Crisostomo, legal counsel ng Peryahan ng Bayan at residente ng bayan ng Manaoag ng nabatid na lalawigan.

Ayon kay Police Colonel Wilson Joseph Lopez, Pangasinan Police Provincial Director, alas-9:15 ng umaga nakatayo ang biktima sa hall of justice sa Barangay Bonuan matapos dumalo sa hearing nang lapitan ito ng hindi pa nakikilalang lalaki na nakasuot ng itim na jacket at asul na helmet at ilang ulit itong pinagbabaril.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek patungo sa naghihintay na motorsiklo hindi kalayuan sa lugar na minamaneho ng isa pang suspek.

Sinubukan pang isugod ang abogado sa Region 1 Medical Center subalit idineklara itong dead on arrival ng sumuring doktor.

Ayon kay Lopez, isa sa tinitignan nilang anggulo ay ang hinahawakang kaso ng biktima habang patuloy ang imbestigasyon ng insidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?