294
Abogado ng party-list group, sinopla ni Guanzon
By

Abogado ng party-list group, sinopla ni Guanzon

Nagmukhang basang sisiw ang abogado ng isang party-list group matapos umanong pagalitan na parang bata ng isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) dahil sa paghingi ng kopya ng audit logs sa aberya ng automated election system noong Lunes ng gabi.

Agad na sinopla ni Commissioner Rowena Guanzon si Atty. Rommel Bagares, legal counsel ng Append party-list, nang ihayag nito ang kanyang kahilingan.

“This is a canvassing and you should not cite your objection in the stage of canvassing,” ani Guanzon kay Bagares.

Binalaan pa ni Guanzon ang abogado na ipako-contempt niya ito kapag hindi ito tumigil sa kanyang sentimyento.

“Chair may I move that this counsel’s microphone be turned off and the marshal should require him to sit down… You’re wasting our time already,” ang galit na wika ni Guanzon.

Inutusan pa ng opisyal ang abogado na umupo na lang bago pa ito magkaproblema at para maipagpatuloy na rin ang canvassing.

Samantala, sinabi ni Bagares na maliit na bagay lang ang hiling niya kung totoong may transparency sa komisyon.

“‘Yung logs po kasi ay nasa sa batas po ‘di po pinagbabawal, wala pong sinasabi ‘yung batas na wala kaming karapatan. Sa katunayan, nakatayo nga po ito sa prinsipyo ng transparency sa atin pong eleksyon,” ani Bagarea.

“Kung may transparency po sa ating eleksyon, dapat po makita natin paano po binibilang ang ating mga boto. Sinasabi nila na java error lang pero hindi po nila maipaliwanag ng maayos kung papaano sa loob ng pitong oras eh wala po silang sinasabi,”dagdag niya.

Humingi naman ng paumanhin si Bagares kay Guanzon kahit hindi umano niya naunawaan kung bakit ito nagalit sa kanya..

“Ako po ay nagpapaumanhin kay Commissioner Guanzon kung hindi niya naiintindihan ang aking sinasabi dahil sa mikropono. Pero ‘yun pong ibang Commissioner ay narinig po ang sinabi ko at humingi po ako ng permiso at ibinigay po ang permiso sa akin kaya di ko po maintindihan kung bakit bigla siyang nagsisigaw,” ani Bagares.

“Wala naman pong pinagbabawal sa atin pong rules ng canvassing para po gumawa ng ganoong manifestation and motion,” dagdag pa niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?