47

May 27, 2020 @ 16:15
By

95k contact tracer kailangan ng DOH

Nangangailangan ang Department of Health (DOH) ng may 95,000 contact tracer na gagamitin sa pagtukoy sa mga taong nakasalamuha ng mga taong nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, 126,000 contact tracers ang ideal na kailangan ng pamahalaan at mayroon na tayong 38,000 buhat sa mga lokal na pamahalaan kaya 95,000 ang kailangang punan ng nasyunal na pamahalaan.

Nabatid na tatanggap ang mga makukuhang contact tracers ng suweldo base sa salary grade na itinatadhana ng civil service law.

Binubuo pa naman umano ng pamahalaan ang mga ‘minimum qualifications’ para sa naturang posisyon.

Ang mga matatanggap na contact tracer ay makakatulong sa mga manggagawa na nawalan ng trabaho ngayong panahon ng pandemya dahil sa pagkalugi ng mga negosyo.

Matatandaan na sinabi ng Department of Finance na nasa 1.2 hanggang 1.5 milyong Pilipino ang panmsamantalang nawalan ng trabaho.

“One contract tracer can take a whole day for one case, so we need to hire more contract tracers to match the numbers we expect [of tracking],” ani Finance Secretary Carlos Dominguez.

Kaugnay nito, naglunsad ang DOH ng panibagong telemedicine site na healthknow.ph kung saan maaaring makipag-video call sa mga doktor ang mga pasyente na kailangan ng konsultasyong medikal.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?