35

By

8 kidnappers kabilang ang 2 Chinese, nalambat

Walong kidnap for ransom suspect na kinabibilangan ng dalawang Chinese national ang nadakip ng Philippine National Police-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) sa dalawang magkahiwalay na operasyon.

Iprinisinta ni PNP-AKG Director Police Col. Jonnel Estomo ang mga suspek na sina Rico Castillo, 45; Christopher Bagro, 35; Nathaniel Aragon, 35; Reynaldo Parolina, 41; Francis Reyes, 41; at Melvin Culala, 39, gayundin ang dalawang Chinese na sina Deng Shiwu, 30, at Ou Jianmin, 28.

Ayon kay Estomo, unang naaresto ang anim na Pinoy na suspek matapos kidnapin ang dalawang biktima na sina Eugenio Santos, negosyante, residente ng Barangay Gulod, Quezon City; at Alvin Bangug ng Parañaque City noong Setyembre 5.

Nag-ugat ang insidente matapos na maipatalo sa casino nina Santos at Bangug ang P2 milyon pera nina Reyes at Culala na para sana pangsosyo sa negosyong sigarilyo.

Unang kinuha ng mga tauhan nina Reyes at Culala si Santos sa bahay nito sa Quezon City bago isinunod si Bangug sa bahay nito sa Parañaque at dinala sa isang lugar sa Cavite at kung hindi maibabalik ang perang kinuha nito kasama ang tubo ay may masamang mangyayari sa kanila pati sa pamilya.

Unang nag-demand ng P1.8 milyon na pera ang mga suspek at kinontak ang misis ni Santos at sumunod ay ang titulo na ng lupa na pag-aari din ni Santos na nagkakahalaga ng P8 milyon at kung hindi ito maibibigay kinabukasan ay papatayin na ng mga suspek ang mga biktima.

Doon na nakipag-ugnayan sa AKG ang misis ni Santos dahilan upang magsagawa ng operasyon.

Unang na-trace ng AKG ang apat na suspek na sina Castillo, Bagro, Aragon at Parolina sa safehouse sa Cavite, habang ang dalawang mastermind na sina Reyes at Culala ay naaresto sa isinagawang follow-up sa labas ng isang casino sa Parañaque City, kinabukasan Setyembre 6 ng hapon.

Samantala, Setyembre 9 naman nang maaresto ang mga suspek na sina Shiwu at Jianmin matapos na kidnapin nila ang dalawang kababayang sina Li Ning at Yang Yang at ikulong sa kanilang kuwarto sa Okada Hotel.

Nag-ugat ang insidente matapos na magsugal sa Okada Hotel and Casino ang dalawang biktima at nang matalo ay pinautang silang mga suspek ng halagang P1 milyon casino chips at may kaukulang tubo kada panalo subalit sa kasamaang-palad ay naubos din ang pinahiram na halaga ng chips.

Matapos magsugal ang mga biktima ay pinaakyat na sila ng mga suspek sa kanilang unit kung saan hindi na sila pinalabas ng kuwarto at pinakontak na ang mga pamilya ng mga ito sa China.

Nakipag-ugnayan naman ang pamilya ng mga biktima sa AKG na agad nagsagawa ng operasyon dahilan upang madakip ang mga suspek. (Edwin Balasa)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?