753

8-anyos na batang may Asperger’s magiging college student na

Naging biktima man ng bullying noon, papasok na sa kolehiyo ang walong taong gulang na babae na may intelligence quotient (IQ) na 162, mas mataas pa sa 160 nina Albert Einstein at Stephen Hawking.

Binu-bully noon at kinukutyang “weirdo” ng mga kalaro si Adhara Perez ng Tlahuac, Mexico, ayon sa The Yucatan Times. Na-diagnose ito na may Asperger’s syndrome at nakaranas ng depression.

Kaya naman nirekomenda ng psychiatrist nito na pumunta sila sa Talent Care Center, kung saan nalaman ng nanay na si Nallely Sanchez ang napakataas na IQ ng bata.

Nakaangkop ang mga klase ng paaralan base sa abilidad ng mga bata. Kaya naman, natapos si Adhara ng elementarya sa edad 5, ng middle school sa edad 6, at ngayong 8 anyos ay ganap na siyang high school graduate.

Sa kasalukuyan, kumukuha ng dalawang online degree si Perez: industrial engineering in mathematics sa Universidad Tecnológica de México at systems engineering sa ilalim ng Comprehensive National Cybersecurity Initiative.

Gusto ng Mexican genius na maging astronaut pagtanda, at suportado ito ni Nallely kaya nag-aaral na ito ng Ingles at pupunta sa Amerika upang maka-enroll ang bata ng astrophysics sa University of Arizona.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?