91

By

65 presong pinalaya sa GCTA sumuko sa PNP

Umaabot na sa 65 ang kabuuang bilang ng mga pinalayang preso sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law ang boluntaryong sumuko sa iba’t ibang presinto sa buong bansa, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Ito’y matapos bawiin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang ginawang pagpapalaya ng Bureau of Corrections (BuCor) sa 1,914 heinous crime convicts alinsunod sa GCTA, makaraang lumutang ang nabulilyasong maagang paglaya sana ng convicted rapist at murderer na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.

Dagdag ng PNP, sa 65 mga boluntaryong sumuko, 26 ang kinasuhan dahil sa panggagahasa, na sinundan naman ng murder na mayroong 19 na kaso.

Nauna nang bumuo ng tracker teams ang PNP para tugisin ang mga napalayang heinous crime convict na ituturing na mga pugante sa sandaling sumuway sila sa binigay na 15 araw na palugit ng Pangulo nitong Setyembre 5.

Inatasan na rin ni PNP Chief General Oscar Albayalde ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para pangunahan ang pagdakip sa mga pinalayang preso.

Makikipag-ugnayan naman at hihingi ng tulong ang PNP sa International Police (InterPol) sakaling may mga bilanggong nakalabas na ng bansa.

“We can always connect with our counterparts in the Interpol. We have what we call Red Notice so that they will be later issued warrants of arrest by the court then we can always provide the concerned country through the Interpol,” paliwanag ni Albayalde.

Nilinaw din ng hepe na ang layunin ng pagbawi ng Pangulo sa ginawang pagpapalaya ay upang rebisahin ang legalidad ng recomputation sa kanilang sentensya, para malaman kung talagang kwalipikado sila sa GCTA.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?