90
6 tren ng LRT-1 isinailalim sa rehabilitasyon
By

6 tren ng LRT-1 isinailalim sa rehabilitasyon

Sumasailalim ngayon sa pagkukumpuni ang anim na tren ng Light Rail Transit (LRT1) kabilang na ang pagpapalit ng mga makina nito bilang paghahanda sa itatayong LRT Cavite Extension.

Ang anim ay mula sa 30 tren ng LRT 1 sa ilalim ng Light Rail Manila Corporation (LRMC).

Ayon kay LRMC President Juan Alfonso, mahigit na dalawang dekada na ang tren ng LRT Line 1, partikular na ang galing sa Japan, kaya kailangan na mapalitan ang mga piyesa nito.

Sinabi pa ni Alfonso, hindi nila kailangang hintayin pa na masira o magka-aberya ang mga tren ng LRT 1 at mas mainam na magkaroon ng total replacement ng mga piyesa o makina.

Papalitan na rin ang console ng mga operator o driver ng LRT Line 1 at magiging automated na sa bagong sistema.

Aniya , ang mga bagong makina ay magreresulta sa mas maayos na biyahe ng mga tren.

Sinabi pa nito na target nilang matapos ito sa Pebrero 2020.

Nauna nang sinabi ng LRMC na plano nilang palawigin ang train line ng LRT Line 1 hanggang Cavite na mangangailangan ng 45 train set.

Ang konstruksyon ng LRT Line 1 Cavite extention ay mag-uumpisa sa kalagitnaan ng 2019.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?