176

By

6 Cagayan mayor MIA sa paghahanda sa Bagyong Ramon

Anim na alkalde ng iba’t ibang bayan ng lalawigan ng Cagayan ang missing in action (MIA) sa paghahanda sa bagyong Ramon na maaring tumama sa probinsya ngayong Sabado o Linggo, sa nabatid na probinsya.

Dahil dito, nananawagan si Cagayan Governor Manuel Mamba sa mga MIA mayor na bumalik na sa kani-kanilang bayan upang pamunuan ang paghahanda ng evacuation at relief operation para sa darating na bagyo.

Ayon pa sa opisyal, mayroong tatlong alkalde ng Cagayan na nasa Maynila habang may tatlong nasa Tuguegarao. May isa pa umanong mayor na wala rin sa kanyang bayan subalit ito ay nasa ospital kaya mayroon naman itong rason.

Kung wala naman aniyang valid reason ang mga MIA mayor ay bumalik na sila sa kani-kanilang bayan, sabi ni Mamba.

Matatandaang noong nakaraang taon, ilang alkalde ng Northern Luzon ang inimbestigahan ng Department of Interior and Local Government (DILG) matapos tumama ang bagyong Ompong noong Setyembre kung saan mahigit sa 80 katao ang nasawi, 68 sa mga ito ay Cordillera Administrative Region (CAR).

Dahil din sa paparating pa ring bagyo ay nagpupulong na ang pamunuang panlalawigan kung kinakailangan na nilang magpatupad ng liquor ban upang matiyak na lahat ng residente, partikular na ang mga kalalakihan, ay nasa hustong pag-iisip kapag tumama na ang bagyo sa lalawigan upang maiwasan ang disgrasya.

Kahapon ay maayos pa naman ang lagay ng panahon sa buong lalawigan kaya hindi nagsuspinde ng klase sa saanmang bayan at lungsod.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?