81
5 sibilyan sugatan sa barilan ng magkalabang partido
By

5 sibilyan sugatan sa barilan ng magkalabang partido

Limang sibilyan ang sugatan matapos ang naganap na barilan sa pagitan ng dalawang magkalabang partido sa labas ng voting center sa bayan ng Panglima Estino, Sulu nitong Lunes ng umaga.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), bukod sa mga sugatan ay dalawang sasakyan din ang sinunog sa nasabing insidente.

Sa ulat ng Sulu Police Regional Office, nakilala ang mga sugatan na sina Asiri Sadjaani, 65; Ibno Sahipa, 64; Barre Abih, 46; Omal Hasan, 57; at Nadzra Munib, 41.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong alas-6:35 ng umaga nang magtalo ang dalawang magkalabang partido ng dalawang mayoralty candidate sa nabatid na bayan sa labas ng voting center na nauwi sa barilan.

Bukod dito ay dalawang sasakyan pa ang sinunog ng hindi pa kilalang mga kalalakihan.

Natigil lang ang gulo matapos rumesponde ang pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar sa lugar kaya nagsitakas ang mga suspek.

Sa ginawang press briefing naman ni PNP Chief Oscar Albayalde, under control na ang sitwasyon sa nabatid na bayan.

Sa ngayon at natuloy pa rin ang eleksyon habang patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya hinggil sa insidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?