124

By

5 NPA patay, 3 sundalo sugatan sa engkuwentro sa Negros Occidental

Limang rebelde ang pinaniniwalaang nasawi habang tatlong sundalo naman ang nasugatan matapos ang panibagong bakbakan ng dalawang grupo Miyerkoles ng umaga sa Calatrava, Negros Occidental.

Base sa ulat, alas-5:30 ng umaga nagkasagupa ang mga miyembro ng 79th Infantry Battalion ng Philippine Army laban sa tinatayang 30 miyembro ng New Peoples Army (NPA) sa lugar.

Napag-alaman na bago pa ang eleksyon nitong Mayo 13, may mga namonitor na ang mga sundalo hinggil sa presensya ng mga NPA at matapos na maberipika ay agad na nagsagawa ng combat patrol ang grupo sa Sitio Putting Tubig, Barangay Minautok, Calatrava.

Tumagal ang bakbakan ng mahigit isang oras bago nagkanya-kanyang takas ang mga NPA sa iba’t ibang direksyon.

Tatlong sundalo ang may mga bahagyang tama sa kamay at kili-kili subalit hindi naman malala ang mga ito habang patuloy na subject ng beripikasyon ang limang patay sa panig ng NPA na nakitang bitbit ng mga kasamahan.

Nasamsam naman ng mga sundalo ang baril, bala at ilang personal na gamit ng mga rebelde na naiwanan sa pagtakas.

Patuloy naman ang hot pursuit operation ng militar laban sa mga tumakas na NPA.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?