253

By

5 naaagnas na bangkay, 2 pa iniwan sa bangin sa Benguet

Pitong bangkay ang nakuha ng mga miyembro ng Tuba Municipal Police Station (TMPS) sa bangin sa Marcos Highway sa Tuda, Benguet noong Martes.

Ayon kay TMPS commander P/Major James Acod, inireport sa kanilang tanggapan ng mga concerned resident ang nakasusulasok na amoy na nanggagaling sa bangin na may lalim na mahigit 30 metro.

Dahil dito, rumesponde ang TMPS at dito tumambad ang pitong bangkay.

Inilarawan ni Acod na dalawa sa mga bangkay ay skeleton at ang lima ay naaagnas na.

Naniniwala ang mga awtoridad na ang naging skeleton ay isang buwan na mula nang itapon sa bangin, habang ang iba ay nasa dalawang linggo na mula nang itapon.

Sinabi ni Acod, magkakaibang-araw ang pagtapon sa mga bangkay at naniniwala ito na hindi magkakakilala ang mga bangkay o hindi sila mula sa iisang grupo.

Habang sinasagawa ang retrieval operations ang pulis, may ilang indibidwal na nawawalan ng ka-pamilya ang nag-abang dahil nagbabasakali ang mga ito na ang kanilang hinihanap na kapamilya ay ang mga natagpuang bangkay.

Magsasagawa ngayon ng follow-up investigation ang TMPS hinggil sa kaso at sasailalim sa autopsy ang mga bangkay para malaman kung biktima ang mga ito ng summary execution o hindi.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?