65

Feb 3, 2020 @ 12:01
By

40 Pinoy mula China uuwi ngayong linggo – Abella

Inaasahang magbabalik sa bansa ang nasa 40 Pilipino mula sa Lalawigan ng Hubei sa China.

Sa Hubei nakapaloob ang Wuhan City, na pinagmulan ng novel coronavirus (2019-nCoV).

Sabi ni Foreign Affairs Undersecretary Ernesto Abella sa isang Malacañang press briefing ngayong Lunes, Pebrero 3, inaasahan nila ang pagdating ng mga Pilipino ngayong linggo.

Sa ngayon, epektibo pa rin ang travel ban sa pagitan ng Pilipinas at mainland China, Hong Kong, at Macau.

Sinabi naman ni Bureau of Immigration Spokesperson Dana Sandoval na hihintayin nila ang rekomendasyon ng Department of Health (DOH) sakaling palawigin pa ang travel ban sa iba pang bansa na tinamaan na rin ng 2019-nCoV.

Dumarami na ang mga kaso ng 2019-nCoV sa Japan (20), Thailand (19), Singapore (18), Hong Kong at South Korea (15), Australia (12), at Germany at Taiwan (10).

May mga tinamaan din ng 2019-nCoV sa Amerika, Malaysia, Macau, France, Vietnam, United Arab Emirates, Canada, Italy, Russia, United Kingdom, Nepal, Cambodia, Spain, Finland, Sweden, India, at Sri Lanka.

Ayon sa DOH, may dalawang nagpositibong kaso na ng mala-pneumonia na sakit sa Pilipinas ngunit namatay na ang isa noong Sabado, Pebrero 1.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?